Pangangailangan ng mga guro dapat tutukan ng DepEd
Saad ng Teachers’ Dignity Coalition na dapat ding tutukan ng DepEd ang mga pangangailangan ng mga guro bilang paghahanda sa full implementation ng face-to-face classes sa susunod na school year.
“Nagagalak po kami na sa pagtataya ng DepEd ay handa ang lahat ng mga paaralan natin para sa face-to-face classes sa susunod na school year,” sabi ni Benjo Basas, national chairman ng grupo.
“Gayunman, nais naming paalalahanan ang pamunuan ng kagawaran na marami pang mga kakulangan ang dapat na tutukan hindi lamang sa mga pisikal na pangangailangan sa classroom kundi maging sa mga suportang kakailanganin ng ating mga guro,” dagdag ni Basas.
Ang grupo ay handang makipagtulungan sa ahensiya upang maging maayos ang full implementation ng face-to-face classes.
“Nakahanda po kami na makipagtulungan sa pamunuan ng DepEd, sa kasalukuyan at maging sa papasok na administrasyon upang matiyak na maayos at matagumpay ang implementasyon ng face-to-face classes sa susunod na school year,” ani Basas.
0 Comments