Viral Teacher na nananakit sa 2 mag-aaral, pa-iimbestigahan ng DepEd
Ipinag-utos kaagad ng DepED Cordillera na magsagawa ng Preliminary Investigation ang Schools Division Office ng Kalinga tungkol sa viral video ng pananakit sa dalawang estudyante na kinasangkutan ng isang Public School teacher ng Bangad Centro Elementary School sa Tinglayan, Kalinga.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Amador Garcia Sr., ang Schools Division Superintendent ng SDO Kalinga, nangyari ang kuhang video noon pang April 2022, kung saan nito lamang August 22,2022 ng mai-upload hanggang sa mag viral ito nito lamang Setyembre.
Batay sa ginawang pag-iimbestiga ng DepEd Kalinga Child Protection Policy in – charge, nasa maayos na kalagayan ang dalawang mag-aaral na ngayon ay Grade 6 student na ngunit nangyari ang umano’y pananakit noong sila ay Grade 5.
Ayon pa kay Garcia, labis umano ang pagsisisi ng Guro nang makita ang viral video kaya’t agad na nagsagawa rin ng hiwalay na hakbang ang mga opisyal ng barangay upang hindi na maulit ang insidente.
Sa ginawang pagpupulong noong August 29, 2022, aminado ang viral teacher sa maling ginawa at nagdesisyon ito na ipagpaliban muna ang kanyang pagtuturo sa klase dahil na rin sa stress matapos makita ang kanyang ginawang pananakit sa dalawang mag-aaral.
Higit 20-taon ng nasa serbisyo ng pagtuturo ang Guro na isang 49-anyos, ayon kay Garcia.
Ayon pa sa opisyal, kailanman ay hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng bullying o hindi makatarungang maling gawain laban sa mga mag-aaral bagkus mahigpit na paalala sa mga teaching at non-teaching personnel ang pagsunod sa Child Protection policy.
Humingi naman ng paumanhin si Garcia na hindi kaagad naipagbigay alam sa kanyang kaalaman ang nangyaring insidente kung kaya’t hindi nagkaroon kaagad ng imbestigasyon.
Patuloy naman ang gagawin pang hakbang habang hihintayin ang ipapataw na kaparusahan ng DepED Cordillera laban sa Guro.
0 Comments